Wikang Filipino, Atin Ito

Ang arkipelagong Pilipinas ay binubuo ng pitong libo, isang daan at pitong pulo. Ito’y nahahati sa tatlong dibisyon, Luzon, Visayas at Mindanao, at sa labing-pitong rehiyon. Sa bawat sulok ng bansa, mapahilaga man o timog, kanluran o silangan, naninirahan ang mga taong may iba’t ibang uri ng pamumuhay, sari-saring mga paniniwala’t tradisyon. 



Sa kadahilanang ang mga lugar ay pinaghihiwalay ng karagatan, ang mga Pilipino sa bawat pulo ay gumagamit ng sarili nilang dayalekto. May ibang salita na magkatulad, may iba namang hindi pareho ang pagkakagamit ngunit kadalasan, iba talaga ang katumbas. Ang iba ay may tono kung magsalita, ngunit mayroon namang parang galit. Kung pagsasama-samahin ang isang kinatawan ng bawat lugar sa isang silid, paniguradong hindi sila magkakaintindihan. Kaya sa panahon ni Manuel L. Quezon, gumawa sila ng hakbang para bumuo ng isang pambansang wika na siyang magiging sagot sa hindi pagkakaunawaan. Ang mga ebidensyang nagpapahiwatig na pinapahalagahan ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng wikang maiintindihan ng lahat ay ang mga probisyon ng wika sa tatlong konstitusyon. Nakapaloob sa Artikulo XIV, Seksyon 3 ng Konstitusyong 1935 na dapat pangunahan ng Kongreso ang pagsasagawa at paghubog sa isang linggwahe batay sa mga umiiral na katutubong wika. Bilang resulta, hinirang ang Pilipino bilang wikang pambansa na siyang nagmula sa Tagalog. Isinasaad naman sa Konstitusyong 1973, Artikulo XV, Seksyon 3, na ang pambansang asamblea ay gagawa ng mga hakbang sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, na Pilipino noong una at binubuo ng pinagsama-samang dayalekto sa Pilipinas. At sa wakas, idineklara na sa 1987 Konstitusyon, Artikulo 6 na ang pambansang wikang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa.

Gaano nga ba talaga kahalaga ang pagkakaroon ng wika? Sa simpleng pag-iisip, ito ay importante sapagkat ito ang ginagamit ng mga tao para ipaabot sa iba ang kanyang opinyon at damdamin. Sa makatuwid, ito ay instrumento sa pakikipagkomunikasyon. Likas sa ating mga tao ang pagkakaroon ng wika. Sa katunayan, isa ito sa pangunahing dahilan kung bakit mas nakakaangat tayo kumpara sa ibang mga hayop.

Ang bahagi namang ginagampanan ng wika sa bansa ay ang pagiging simbolo na ang estado ay matatag at nagkakaisa. Sa tulong ng wika, nagkakaintindihan ang bawat mamamayan, at mas naipapahayag nila ang kanilang mga iniisip. Nagkaroon din sila ng iisang hangarin, at iyon ay ang paunlarin ang Pilipinas. Kung walang ginawa na mga hakbang sa paghubog ng isang wikang pambansa, tiyak na magulo ang pakikipag-komunikasyon at pakikipagtalastasan sapagkat iba-iba ang ating pinagmulan at iba-iba ang ating katutubong wika.

Kung ibabase natin sa kasaysayan, hindi natin maitatanggi ang mahalang parteng ginampanan ng ating wika upang makawala at makalaya sa mapang-abusong kamay ng mga mananakop. Ang ating wika ang isa sa mga naging instrumento upang mas umalab pa ang nag-aapoy na damdaming nasyonalismo. Sa tulong ng wika, nagkaunawaan ang sambayanang Pilipino, nagkapit-bisig at nang lumaon, naghimagsik sa mga gahamang, mapangmaltrato, makakapal na mukhang rehimen ng Espanya. Ang wika ang siyang ginamit ng mga repormista upang gisingin ang mga kaluluwang nagtutulug-tulugan at imulat ang mga matang nabubulag-bulagan sa masaklap na katotohanan - ang mga karahasan, at panlalapastangang ginawa ng mga dayuhan sa kapwa kababayan.

Sa paggamit ng sariling pambansang wika, nabuwag ang rehiyonalismong kaisipan na siyang balakid sa pagiging isang bansa natin at mas napalakas pa ang umuusbong na damdaming nasyonalismo o pagiging makabayan. Samakatwid, ang wikang Filipino ang dahilan kung bakit nagkaroon tayo ng pag-iisip na tayo ay iisang bayan lamang kahit na iba-iba ang lugar na ating pinagmulan. Watak-watak nga ang mga lugar sa Pilipinas, watak-watak din ang mga Pilipino? Huwag naman sana.

Ngayong patuloy tayo sa pagtahak tungo sa tuwid na daan, mas pahalagahan pa natin ang sarili nating wika. Kapag sinasabi nating tuwid na daan, ang agad na sumasagi sa ating isipan ay ang maunlad at mapayapang bansang Pilipinas. Ang tema ngayong buwan ng wika ay, “Wika Natin ang Daang Matuwid.” Kapansin-pansin naman ang tema ay konektado sa isinusulong ng kasalukuyang administrasyong Aquino na ‘tuwid na daan’. Makikita naman natin ang mga pagbabagong naidulot o naibahagi ng pamahalaan sa sambayanang Pilipino. Unti-unti nang umuunlad ang ating bansa. Panay ang paglago ng ating ekonomiya at ang pagdami ng mga investors sa bansa. Hinuhubog na ang edukasyong nakaayon sa makalumang sistema. Patuloy, tayong pinupuri ng ibang sa mga pagababagong ating nakakamit sa halos apat na taon pa lamang na pamamahala ni Pangulong Aquino. Sa kabila ng mga pag-unlad na hatid ng pamahalaan, isang magandang balita na kinokonsidera din nila ang wikang pambansa sa paghubog ng mas maunlad na Pilipinas. May mga napagtanto siguro silang mga pagkakamaling nagawa ng mga lumipas na administrasyon sa aspeto ng wika.

Sa mahabang panahon ng paggamit natin ng banyagang wika, may napala ba tayo? Umunlad ba talaga ang ating bansa? Oo, umunlad nga tayo pero ang pag-unlad natin ay nakadepende lamang sa ibang bansa lalung-lalo na sa Estados Unidos. Umunlad tayo nang kunti pero ito ay hindi sapat. Ngunit, kung pag-uusapan natin ang ekonomiya ng Tsina, Korea at higit sa lahat ang Hapon, walang duda kabilang sila sa mga pinakamaunlad na bansa. Ano ang pagkakatulad ng tatlo? Ginagamit, pinagtutuunan nila ng pansin at binibigyang halaga nila ang paggamit ng sariling wika. Kaya ang resulta, umunlad sila sa aspetong politikal, ekonomikal at kultural. Oo, hindi nga sila magaling magsalita ng wikang Ingles pero hindi naman nila ito gaanong kailangan. Sana ay tularan natin ang mga huwarang bansang ito na ipinagmamalaki talaga ang sariling wika. Huwag sana nating kalimutan na mayroon tayong sariling wika. Huwag natin itong pabayaan. Kung maisasakatuparan natin ito, uunlad din ang ating bayan at makakamit natin ang inaasam-asam na pagbabago sa lipunan. 

May sariling wika tayo, gamitin natin ito. Nasa tuwid na landas na tayo, ipagmalaki at ipagbunyi natin ang wikang pambansa, ang wikang Filipino. Gawin natin itong instrumento sa pagkakaroon ng iisang hangarin, ang pagbabago sa lipunan. Nawa’y bigyan nating hustisya at ipagpatuloy natin ang nasimulan ng ating mga ninuno. Huwag nating sayangin ang mga pinagdaanang hirap nila para makabuo ng isang wikang pambansa na naglalayong ipabuti ang ating pamumuhay. Makipagtulungan tayo sa pamahalaan para maisakatuparan ang minimithi nating isang hangarin. Gamitin natin ang ating sariling wika, dahil ito ang tama. Ito ang maggagabay sa atin tungo sa tuwid na landas. 


Comments

Popular posts from this blog

Paglipat ng Pasukan sa Agosto, Nararapat Ba?

Artificial Insemination

Bayan o Sarili: A Reaction on the Heneral Luna Film