Paglipat ng Pasukan sa Agosto, Nararapat Ba?
INTRODUKSYON
Nitong ika-15 ng Marso 2014, ang tatlong kampus, ang UP Manila, UP Visayas at UP Open University, ay nagpalabas na ng kanilang bagong kalendaryo pang-akademiko para sa akademikong taon 2014-2015. Halimbawa, sa UP Visayas na binubuo ng mga kampus ng Miago, Iloilo City at Tacloban (nasa appendix), ang unang semestro nito ay mula Agosto 18 – Disyembre 5, ang ikalawang semestro naman ay mula Enero 26 – Mayo 22 at ang maikling termino o mas kilala sa tawag na summer ay sa Hunyo 18 hanggang Hulyo 24 (Aurelio, 2014).Ika-anim ng Pebrero 2014, nagpahayag ang Unibersidad ng Pilipinas na magkakaroroon ito ng panibagong kalendaryong pang-akademiko o academic calendar at iiimplementa ito ngayong 2014-2015. Mula sa Hunyo, ang simula ng pasukan ay ililipat sa Agosto.
Nakapaloob dito na ang unang semestro, mula Hunyo-Oktobre, ay magsisimula na sa buwan ng Agosto hanggang Disyembre. Ang ikalawang semestro naman ay mula Enero hanggang Mayo, na noong una ay mula Nobyembre-Abril. Ang maikling termino naman o summer ay ililipat mula sa Mayo-Hunyo sa Hunyo-Hulyo.
Unang inaprobahan ang simula ng pasukan sa Agosto 2014 ng UP Board of Regents sa pitong (7) unibersidad nito. Kabilang dito ang UP Manila, UP Los Banos, UP Baguio, UP Visayas, UP Mindanao, UP Open University at ang UP College of Cebu. Nakumpleto ng mga nasabing kampus ang mga konsultasyon noong nakaraang taon. Nakapagsulat din ang mga ito sa Board of Regents na sila ay handa na para sa pagbabagong ito. Sa kabilang banda, ang lumang kalendaryong pang-akademiko pa rin ang papairalin sa UP Integrated School. Sa kaso naman ng UP Diliman,nitong Marso 24 lang naaprobrahan ang akademikong pagbabago matapos naisagawa ang tatlong araw na referendum. Sa botong 284-164, suportado ito ng UP Diliman University Council, na binubuo ng lahat ng assistant at full professors. Tatalakayin ito ni Chancellor Michael Tan sa susunod na pagpupulong ng UP BOR ngayong Marso 28. Bago pa man ang desisyong ito, nagkaroon ng isang konsultasyon sa mga estudyante at mga organisasyon sa UP Diliman kung saan 1,834 sa 2, 768 na pumunta ang aprubado sa pagbabagong ito. Nagkaroon din ng referendum para sa mga faculty at 647 sa 954 sa kanila ang pabor sa pagbabago. Dahil dito, nangangahulugan na ang pasukan sa lahat ng constituent units ng UP ay magsisimula sa Agosto (Cerda, 2014).
Upang lubos nating maintindihan ang balitang ito, isisiwalat po naming mga mananaliksik: (a) ang pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko, (b) mga dahilan ng administrasyon kung bakit nila inaprobahan ang pagbabagong ito, at higit sa lahat, (c) ang mga salik na nagsasaad na ang pagbabagong ito ay hindi dapat ipatupad.
DISKUSYON
Ayon sa Pangulo ng UP na si Alfredo Pascual, ang pag-apruba sa pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko ay parte ng mga patuloy na pakikibaka upang ang UP ay maging isang pangrehiyon at pandaigdigang unibersidad at para matamasa nito ang mga oportunidad na hatid ng ASEAN integration at pandaidigang pakikipagsosyo sa edukasyon. Nakapaloob ito sa Batas Republika Bilang 9500, ang UP Charter, na isa sa mga mandato ng unibersidad ay ang “magsilbi bilang isang pangrehiyon at pandaigdigang unibersidad na nakikipatulungan sa mga internasyunal at siyentipikong unyon at mga network ng unibersidad sa Asia Pacific Region at sa buong mundo.”Ngayong 2015, inaasahan na maiimplementa ng mga bansang miyembro ng ASEAN ang Action Plan ng ASEAN Economic Cooperation na ang adhikain ay ang malayang pagpapalitan ng mga produkto at serbisyo ng mga kasapi nito. Kabilang sa serbisyo ang edukasyon at isa sa mga hamon sa pagtataguyod ng mobilidad ng estudyante at guro ay ang sinkronisasyon ng kalendaryong pang-akademiko ng mga bansa sa rehiyon.
Dagdag pa ni Pascual, ang pagkakaroon ng sinkronisasyon sa kalendaryong pang-akademiko sa ASEAN, at mga partner sa Europe at Amerika ay magbubunga ng maraming joint programs at partnership sa ibang unibersidad at ang pagpayag sa mga estudyante na makakuha ng transfer credits.
Sa mga kasapi ng ASEAN University Network (AUN), tanging ang Pilipinas lamang ang may kalendaryong pang-akademiko na nagsisimula sa Hunyo. Karamihan kasi sa mga unibersidad sa Tsina, Korea, Japan at Hilagang Amerika, nagsisimula ang pasukan sa Agosto o Setyembre.
Tatlong unibersidad lamang sa Pilipinas ang miyembro ng AUN: ang UP, Ateneo at De La Salle. Ang mga unibersidad na ito ay nagpaplano na baguhin ang kanilang kalendaryong pang-akademiko sa 2014 o ‘di kaya ay sa 2015.
Magdudulot din ang pagbabagong ito ng mahabang bakasyon sa mga magsisitapos sa hayskul bago sila pumasok sa UP. Ayon kay Pascual, ang panahong ito ay maaaring gugulin para sa bridging program ng mga bagong iskolar ng bayan.
Dagdag pa rito, sinabi niya na ang pagtatapos ng unang semestro sa Disyembre at ang pagsisimula ng ikalawang semestro sa Enero ay magreresulta sa hindi naaabalang sistema ng semestro at nangangahulugan ito na na hindi na masyadong gagastos ang mga mag-aaral na uuwi sa kani-kanilang bahay tuwing bakasyon.
Sa opisyal na pahayag ng UP sinabi na magkakaroon ng ebalwasyon tungkol sa epektong hatid ng pagbabagong ito na ipre-presenta sa Board of Regents matapos ang isang taon.(University of the Philippines, 2014)
Nito namang Marso 11, nagpatawag si Krista Iris Melgarejo, Student Regent, ng biglaang pagpupulong para sa diskusyon tungkol sa panukalang pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko sa susunod na akademikong taon. Ang pagpupulong na ito sa Vizons Hall ay tinawag na All Leaders’ Conference (ALC) na nilahokan ng mga pinuno ng mga organisasyon at opisyal ng student council ng UP Diliman (Jordan, 2014).
Ipinaliwanag niya na ang pangunahing rason ng administrasyon ay ang internasyunalisasyon. Kaya, kailangang magkaroon ng sinkronisasyon sa kalendaryong pang-akademiko ang UP sa iba pang unibersidad na kasapi ng ASEAN. Nais din daw ng pagbabagong ito na gawing “internationally competitive” ang unibersidad.
Binanggit din ni Melgarejo ang mga posibleng problemang lilitaw dahil sa implementasyon nito, gaya ng pagdulot ng abala sa mga estudyanteng mula sa pamilya ng magsasaka. Ayon sa kanya, “Kung ang ating mga estudyante ay galing sa farmer households, they would heavily depend on the harvest season for their tuition during the summer and sembreak.”
Sa pagpupulong, may sumuporta sa akademikong pagbabago sa kadahilanang ang pagbabagong ito ay magpapababa sa bilang ng mga suspendidong klase kasi ang tag-ulan ay mula Hunyo-Agosto lamang. Ngunit, hindi sumang-ayon si Melgarejo dito dahil hindi raw ito sang-ayon sa pahayag ng PAGASA. “Although the span from June to August is recognized as the rainiest months, the strongest storms come after August. We in PAGASA admit that the shift needs to be studied further,” binasa ni Melgarejo ang ulat ng PAGASA.
Kahit magbibigay nang maraming oportunidad ang akademikong pagbabago sa mga estudyante na gustong mag-aral sa abroad, ayon kay Melgarejo, tanging ang mga may-kaya lamang ang makakabenepisyo rito.
Nagbabala rin siya na baka magkaroon ng karagdagang bayarin ang mga estudyante dahil sa mga pagtatayo ng mga istruktura gaya ng waiting sheds, at paglalagay ng mga elisi (cooling fans) at air-conditioning units para maging epektibo at kaaya-aya pa rin ang pag-aaral sa kabila ng mainit na temperatura.
Inilahad din ni Melgarejo na sa ginanap na General Assembly of Student Councils nitong Enero sa UP Mindanao, inamin ng mga lider ng bawat kampus ng UP na walang komprehensibong konsultasyon sa mga estudyante na nangyari. Ika nga niya, "Kahit sa pag-gawa ng polisiya, walang student involvement." Dagdag pa niya, "Naging 'no' 'yung vote ko dahil sa lack of consultation... Saka, in the first place, wala itong sinasagot na problema sa edukasyon."
Ipinaliwanag naman ni Maureen Araneta, director ng UP-Diliman Information Office, na nagkaroon ng konsultasyon sa mga stakeholders pati na rin ang student council sa Diliman noong Setyembre 2013. Sa isang pahayag ng UP, nakasaad na nakumpleto ng pitong kampus sa Manila, Los Baños, Baguio, Visayas, Mindanao, Open University at UP College-Cebu ang mga konsultasyon.
Ayon naman kay Jules Guiang, vice-chairperson ng student council, nagulat na lamang sila sa desisyon ng BOR na baguhin ang kalendaryong pang-akademiko dahil wala naman daw talagang konsultasyon sa mga estudyante na nangyari. "Noong nagkaroon ng desisyon, nagkagulatan na. Walang student consultation na naganap," sabi niya sa GMA News Online sa isang phone interview noong Huwebes.
Sa kabilang banda, binatikos ng Anakbayang ang akademikong pagbabagong ito dahil magbubunga raw ito ng mga reporma na anti-national at anti-development sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas (Dinglasan, 2014).
May mga guro din na hindi sang-ayon sa pagbabagong ito. Nagsuot sila ng kani-kanilang sablay bilang protesta laban sa pagbabago ng simula ng pasukan mula Hunyo sa Agosto.
Salungat sa pananaw na magdudulot ito ng internasyunalisasyun, ayon kay Dr. Eduardo C. Tadem ng UP Asian Center, “May paglilinlang na nangyayari. To connect internationalization and the academic calendar shift is very wrong. They’re treating the shift like a magic formula to be internationalized but in reality wala namang connection 'yung dalawa’.”
Para naman kay Dr. Emmanuel S. de Dios ng UP School of Economics, wala namang masyadong benepisyo na matatanggap ang mga estudyante rito, puro lang pahirap at pasakit. “Halos walang mawawala sa UP if we don’t change the academic calendar. Pero if we do, think of all the costs, not to mention you will have completely disrupted the lives of tens of thousands of UP students and professors. There’s aircon and ventilation problems.”
Inihayag naman ni Dr. Victor Paz ng Archaeological Studies Program ang magiging masamang epekto nito sa kanilang mga pananaliksik.“For a department that does research during the summer months, we lose out on time for field work. No amount of money can bring summer back, and that’s when we gather our data. When we have no data, we have no research. When we have no research, we have nothing to publish. And no publications mean a lower international school for the university,” sabi niya (Chiu, 2014).
OPINYON
Nailahad na po naming mga mananaliksik ang iba’t ibang opinyon tungkol sa pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko. Kami po ay panig sa pagbasura o hindi pag-apruba sa panukalang ito. Sa mga sumusunod na talata, nakahayag ang aming pitong (7) argumento batay sa aming paniniwala.Naiiwan na ang Pilipinas ng mga kalapit na bansa sa Asia kung ang pag-uusapan ay ang kalidad ng edukasyon. Hindi pa nga nasosolusyunan ang sistemang pang-edukasyon ng ating bansa ay nagdagdagan na naman tayo ng bagong pasanin – ang akademikong pagbabago. Makikipag-integrasyon tayo sa ibang nasyon kahit hindi mabigyan-bigyan ng karampatang aksyon ang mga problem ng sarili nating bayan. Ito ang aming unang argumento.
Kalunos-lunos ang kalagayan ng mga estudyante at guro sa mga pambublikong paaralan. Batay mismo sa estadistika ng gobyerno, kulang ng 49, 000 na silid-aralan at 2,381, 943 na mga mesa’t upuan sa ating mga paaralan. Ang ratio ng bilang ng libro sa mga estudyante ay 0.33 sa mga pampublikong paaralang pang-elementarya at 0.6 sa hayskul. Ito ang dahilan kung bakit ang kalidad ng edukasyon ay pababa ng pababa.
Kung sa loob naman ng UP ang pagbabatayan, ganoon din ang sitwasyon. Marami ang butas sa sistema dahil imbes na tulungan ang mga estudyante ay kabaliktaran ang nangyayari. Tulad na lamang sa usaping pinansiyal. Sa loob ng UP ay may sistema na kung tawagin ay Socialized Tution and Financial Assistance Program o mas kilala sa tawag na STFAP. Kamakailan lang, ito ay nireporma at naging Socialized Tuition System. Isa ito sa mga suliranin sa loob ng UP na matagal nang pino-problema ngunit hindi pa ‘rin nasosolusyunan. Nakakaalarma ‘rin na kahit na tinagurian ang UP na “pambansang unibersidad” ay paliit ng paliit ang subsidy na nakukuha nito sa gobyerno. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit pataas nang pataas ang singil sa edukasyon. Bunga nito, patuloy ang pagdurusa nina Isko at Iska.
Bago ipatupad ang mga programang katulad ng pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko, sana ay bigyang solusyon muna ang mga problemang matagal nang kumakatok sa ating mga pintuan. Kawawa na nga ang mga estudyante, mas lalo pang kinakawawa. Kaya ang kalidad ng edukasyon, bulok ng nga bubulukin pa.
Sa aming ikalawang argumento, totoo ngang ang pagbabagong ito ay makakapagbunga nga ng mga estudyanteng handang humarap sa internasyonal na lebel ngunit ang sinkronisasyong pinipilit ng gobyernong maabot ay hindi makita-kita. Sinasabi nilang ang akademikong pagbabago na ito ay para sa sinkronisasyon sa mga kasapi ng ASEAN, pero wala naman palang sinkronisasyon na mangyayari sa huli. Ito ay dahil walang makakasabay ang Pilipinas sa Agosto-Mayo na pagbabago sa pasukan. Ayon nga sa Kalihim ng Edukasyon na si Bro. Armin Luistro, “There is no common school opening among ASEAN countries.” Dagdag pa niya, mayroong nagsisimula sa Enero at may iba na sa kalagitnaan ng Mayo.
Sinusuportahan nito ang mga impormasyong aming nakalap. Ang kalendaryong pang-akademiko ng Brunei Darussalam at Singapore ay nagsisimula sa Enero habang ang Cambodia naman ay Oktubre. Ang pasukan sa Indonesia ay nagsisimula sa buwan ng Hulyo at ang Laos naman ay sa buwan ng Setyembre. Ang mga paaralan sa bansang Vietnam ay nagbubukas sa buwan ng Agosto at ang Thailand ay sa Mayo. Ang Pilipinas at ang Myanmar lamang ang magkapareho sa buwan ng Hunyo (Malipot, 2014). Ang Malaysia ay mayroong mga pampubliko at pribadong paaralan na nagseserbisyo sa iba’t-ibang mga relihiyon, katutubo o ekspatriyeyt na komunidad at dahil dito ay walang pagkakatulad sa umpisa ng pasukan (Angloinfo.com, n.d.).
Ang mga nabanggit ay ebidensya lamang na wala ngang pagkakapareho ang mga kasapi ng ASEAN sa kung kalian ito magsisimula ng pasukan. Kung magiging permanente ang bagong kalendaryong pang-akademiko ng Pilipinas ay maaring hindi rin nito mababago ang internasyonal na estado ng mga unibersidad ng ating bansa dahil nga walang sinkronisasyon sa iba’t-ibang miyembro ng ASEAN. Magdudulot lamang ito ng panibagong pagkalito sa mga estudyante dahil sa iba’t-ibang iskedyul ng mga paaralan na kanilang mapapasukan.
Ang ikatlo naming argumento ay ang pagkakaroon ng mas maliit na oportunidad ng mga lokal na mag-aaral dahil mas inuuna ang kapakanan ng mga banyagang estudyante. Natalakay na sa diskusyon na ang isa sa mga dahilan sa pagbabagong ito ay ang papalapit na ASEAN integration sa 2015 kung saan iba-ibang opurtunidad ang makakamit at magkakaroon ng malayang palitan ng produkto at serbisyo ang iba’t ibang bansa na kasapi ng ASEAN.
Ano nga ba ang ASEAN integration? Ang pangunahing layunin nito ay ang pagtataguyod ng pangkabuhayan, panlipunan at pangkulturang kaunlaran ng mga bansa sa Timog Silangang Asya. Dagdag pa rito, layunin din ng ASEAN ang pangangalaga ng pangkabuhayan at pampulitikang katatagan ng mga kasaping bansa.
Tama nga na ang pagtanggap sa ganitong akademikong pagbabago ay simula lamang ng ating paghahanda para sa mas maraming oportunidad na papasok dito sa ating bansa. Ngunit, nangangahulugan din ito na mas maraming taga-ibayong bansa ang mas bibigyan ng pagpapahalaga na magbubunga naman sa mas kaunting oportunidad para sa ating mga lokal na mag-aaral. Ibig sabihin nito, mas bibigyan ng mga pagpapahalaga ang mga banyagang estudyante dahil mas pinaniniwalaan na sila ang magpapaunlad sa ating bansa sa aspeto ng ekonomiya. Ang mangyayari dito, mas uunahin pa ng gobyerno ang mga kapakanan ng mga exchange students na kung iisiping mabuti ay hindi kagandahan ang epekto. Ano na lamang ang iisipin ng ating estudyante kung ganito ang kanila matatamo? Baka magprotesta pa sila para lang maibigay sa kanila ang kani-kanilang mga dapat natatamong karapatan.
Ikaapat sa aming mga dahilan ay ang conflict sa mga licensure examination. Alam naman natin na ang licensure examination ay isang mahalagang bagay na pinaghahandaang mabuti ng bawat estudyante matapos silang makapagtapos sa kolehiyo. Ito ay isang pagsusulit kung saan sinusuri ang kanilang kaalaman at kakayahan. Ito rin ang magiging batayan sa kanilang kapasidad na gawin ang kanilang mga tungkulin sa kanilang napiling kurso. Ang makapasa sa nasabing pagsusulit ay isang garantiya nang mas mabuti at mas maayos na trabaho. Sa pagbabago ng kalendaryong pang-akademiko, marami ang nagtatanong kung ano ang magiging epekto nito sa mga iskedyul ng licensure exams.
Mawawalan ng sapat na panahon ang mga magsisitapos na mga estudyante upang magrebyu sa kanilang mga nakatakdang pagsusulit upang ganap na matawag na isang propesyunal. Ang ganitong epekto ng pagbabago ay labis na ikinababahala ng Commission on Higher Education. Kaya, nagbabala ito sa mga unibersidad na pag-isipan ng maigi ang kanilang desisyon.
Ginawang halimbawa ni Rep. Terry Ridon ng Kabataan party-list ang Bar exam. Ang Bar Exam ayon sa kanya ay kalimitang ginagawa sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre. Sa bagong kalendaryong pang-akademiko, binigyan lamang nito ang mga kukuha ng eksaminasyon ng halos dalawang buwan upang mag-aral. Tanong ni Rep. Ridon, “Paano makakapasok sa top 10 o di kaya'y makakapasa ang mga kukuha kung gipit sila sa oras ng pagrerebyu?” Ang mga kukuha ng pagsusulit ay siguradong mahihirapan dahil sa limitadong panahon ng pagrerebyu. Hindi sila mabibigyan ng sapat na panahon sapagkat matatapos ang kanilang klase sa buwan ng Mayo at gaganapin ang kanilang pagtatapos sa buwan ng Hunyo.
Ayon naman kay Prof. Prospero de Vera, bise-president ng UP para sa public affairs, gumagawa sila ng mga hakbang at nakikipag-usap na rin sila sa Professional Regulation Commission (PRC) para sa posibleng pagbabago ng mga iskedyul ng licensure examinations. Dagdag pa niya, wala namang problema sa iba pang propesyon sapagkat dalawang beses ito nagsasagawa ng eksaminasyon sa loob ng isang taon. Ngunit inamin din niya na ang pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko ay hindi para sa lahat. Hindi ito dapat ipatupad kung ang kapalit ay ang kalidad ng edukasyon.
Ang pagbabago sa akademikong kalendaryo ay maaaring maging dahilan din ng pagbabago ng mga iskedyul ng mga licensure examination. Ngunit, ano na naman ang magiging epekto nito sa ibang unibersidad at kolehiyo na hindi susunod sa bagong kalendaryong pang-akademiko? Maghihintay pa ba sila ng halos isang taon para lamang makakakuha ng licensure exam? Kung ang sistema ng licensure exam ay magbabago, magiging magulo ito dahil sa hindi tugma ang buwan ng pagtatapos ng mga kolehiyo at unibersidad dito sa Pilipinas (Lacuatam, 2014).
Ikalima, may mga mahahalagang petsa na dapat pagbigyang pansin tulad ng mga “national holidays” at ang mga tradisyunal na pagdiriwang na inaabangan ng maraming Filipino. Ngunit, hindi magkasundo ang mga petsang ito sa bagong kalendaryong pang-akademiko.
Isa sa mga mga tradisyunal na pagdiriwang na kailan man ay hindi pwedeng ilipat ang petsa ay ang Semana Santa. Kada-taon may nakalaang isang linggo sa buwan ng Abril, kung kailan ipinagdiriwang ang Semana Santa. Ginugunita ito ng karamihan sa mga estudyante. Sa kaso naman ng Flores de Mayo, ito ay ipinagdiriwang kada buwan ng Mayo.
Ang paggunita naman sa araw ng mga patay tuwing ika-1 ng Nobyembre ay isa rin sa mga maapektuhan sa pagbabagong ito. Patuloy ang pagsagawa ng mga klase, kaya hindi mabibisita ng karamihan sa mga mag-aaral, lalung-lalo na iyong mga taga-probinsya, ang kanilang mga yumaong kamag-anak o mahal sa buhay sa mga puntod nito. Sa kasalukuyan, walang problema dahil ang araw na ito ay parte ng tinatawag na semestral break.
Ang mga tradisyunal na pagdiriwang ito ay akma sa kasalukuyang kalendaryong pang-akademiko. Malayang naidaraos ang mga ito dahil nga walang pasok. Ngunit, kung iiimplementa ang pagbabagong ito, ano na lang ang mangyayari sa mga tradisyong ito na parte na ng ating kultura? Magkakaroon ba ng isang linggo o mga araw na walang pasok? Kung magkagayunman, salungat ito sa adhikaing mabawasan ang mga araw na masusupende.
Hindi lang ang mga tradisyunal na pagdiriwang ng bansa ang pwedeng maapektuhan nito, kundi pati na rin ang mga tradisyon sa loob ng unibersidad. Una, mahihirapan sa pag-ayos ng mga petsa sa mga programa tulad ng mga lantern parade. Hanggang ngayon, blanko pa rin sa CRS ang petsa ng Lantern Parade. Hindi naman mabuti na burahin o alisin ang mga ilang taong nakagawian ng idaos.
Ang klima ng Pilipinas ay maituturing ring isang dahilan kung bakit hindi nararapat na ipatupad na baguhin ang pang-akademikong kalendaryo ng UP. Unang-una, itinalaga ang unang simestro na magsisimula sa kalagitnaan ng Agosto hanggang sa kalagitnaan ng Disyembre nang sa gayon di umano ay maiwasan ang mga araw na maulan. Marahil ay maiiwasan nga ang madalas na pagsususpinde sa klase buhat ng maulaning panahon kung ililipat ang kalendaryong pang-akademiko ng unang simestre ngunit ayon sa mga pag-aaral sa kadalasang pagpasok ng bagyo sa bansa, halos lahat ng bagyong pumapasok sa bansa tuwing Hunyo hanggang Oktubre ay sadyang mapaminsala. Ibig sabihin nito, ilipat man ang pagbukas ng klase sa Agosto ay hindi pa rin maiiwasan ang pagdagsa ng mga mapaminsalang bagyo sa bansa sa mga buwang nabanggit.
Isa pang nakaambang tanong, paano naman sa pagdating ng pangalawang simestre na magsisimula sa kalagitnaan ng Enero at magtatapos sa Mayo? Marahil hindi gaanong mataas ang temperatura sa buwan ng Enero hanggang Pebrero ngunit wala rin namang makasisigurado na sa pagsapit ng Marso ay hindi gaano katindi ang init na ating mararanasan lalo pa ngayo’t naitala ng siyensya na sa pagsapit ng taong 2020 ay tataas nang humigit-kumulang 10 porsyento ang init na ating mararanasan sa bansa. Matataon ang klase sa pangalawang simestre sa mga buwang ang init ay halos hindi matagalan ng mga tao, ano pa kaya tayong mga estudyante; ngarag na nga tayo kahit malamig ang klima, ano pa kaya kung sukdulan na ang init?
Katwiran ng administrasyon, maaari nilang malunasan ang pangangailangan ng mga estudyante ng kumportableng paligid upang makapag-aral nang maiigi sa pamamagitan ng pagpapakabit ng mas marami pang bentilasyon. Ngunit, kasunod naman nito ay problema pa rin. Ang pondong ginagamit ng unibersidad upang magpakabit ng mga bentilador o gawing air-conditioned ang mga silid-aralan ay nanggagaling rin sa binabayarang miscellaneous fees ng mga estudyante. Ito ay nangangahulugan lamang na sa paglunsad ng ganitong solusyon, mga estudyante pa rin ang mahihirapan buhat sa pagkakaroon ng mga karagdagang bayarin. Sinusubukan na ngang buwagin ang hindi-makatarungan at komersyalisadong pamamaraan ng edukasyon sa UP, heto na naman ang nag-aambang pagtaas ng bayarin.
Ang mga term break classes ay matataon sa Hunyo at Hulyo, kapwa mga buwang maulanin. Malaki ang posibilidad na maraming araw ang klase ang masususpinde dahil sa maulaning panahon.
Isa pang epekto nito ay ang pagkawala ng summer break na siya nang nakasanayang bakasyon ng bawat estudyante. Habang ang ibang estudyante ay malayang nakakapag-aliw sa ilalim ng araw, ang mga estudyante ng UP ay nagpapakahirap dahil sa hindi matagalang init. Maaapektuhan din nito ang negosyo ng karamihan na maaaring ikalugi ng iba. Sa katunayan, ang mga lokal na turista ang bumubuo sa pinakamalaking porsyento na bumibisita sa mga tourist destination ng bansa at hindi ang mga dayuhan. Halos lahat ng mga lokal na turista ay ang mga estudyante kasama ang kanilang mga kamag-anak. Nang dahil sa akademikong pagbabagong ito, liliit ang bilang ng mga lokal na turista. Bunga nito, kukunti ang kita ng mga negosyante na tiyak ay makakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
BUOD
Naihayag na po namin ang mga pangunahing dahilan ng administrasyon ng unibersidad kung bakit inaprobahan nila ang pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko ng unibersidad. Ito ang mga sumusunod: (a) pagtaas sa kalidad ng edukasyon dulot ng internasyunalisasyon o ang pagiging isang pangrehiyon at pandaigdigang unibersidad, (b) maisakatuparan ang mandato sa UP Charter, (c) mahabang bridging program at (d) ang walang interupsyon na sistema ng semestro.Nabanggit na rin po namin ang opinyon ng mga hindi sang-ayon sa akademikong pagbabago na ito. Ang kanilang mga rason ay ang mga sumusunod: (a) magdudulot ito ng abala sa mga estudyanteng mula sa magsasakang pamilya, (b) salungat ito sa klima, (c) tanging mga may-kaya lamang na mag-aaral abroad ang makikinabang, (d) pagkakaroon ng karagdagang bayarin ng mga estudyante, (e) hindi ito magbubunga ng internasyunalisasyon ng unibersidad at (f) ang pagkakaroon ng masamang epekto sa mga pananaliksik ng mga guro.
Kaming mga mananaliksik ay hindi rin kumbinsido sa mga dahilan ng administrasyon. Upang suportahan ang aming paniniwala, hinati namin sa pitong (7) bahagi ang aming mga argumento. Una, mas nararapat na bigyang solusyon muna ang mga problema ng unibersidad bago nito tahakin ang landas ng internasyunalisasyon. Ikalawa, hindi mapapaunlad ang pandaigdigang estado nito dahil wala namang sinkronisasyon sa kalendaryong pang-akademiko ng mga bansang kasapi sa ASEAN. Ikatlo, magkakaroon ng mas maliit na oportunidad ang mga lokal na mag-aaral dahil mas uunahin ang kapakanan ng mga banyagang estudyante. Ikaapat, ang magsisitapos na mga estudyante ay wala ng panahon para mag-aaral sa kani-kanilang licensure examination. Ikalima, hindi ito akma sa mga tradisyunal na pagdiriwang na parte na ng ating kultura. Ikaanim, hindi pabor ang bagong kalendaryo sa klima sa Pilipinas. Panghuli, mawawalan ng summer break ang mga estudyante na tiyak ay mayroong negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa.
Base sa aming mga nakalap na impormasyon, mas matimbang ang negatibo sa pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko. Gayunpaman, alam naman namin na ito ay isang "pilot test" pa lang. Sana ay pag-isipan nang mabuti ang pagpapaimplementa sa bagong kalendaryong pang-akademiko. Matapos mapatupad sa isang akademikong taon, magsagawa agad ng pananaliksik tungkol sa pagkaepektibo nito.
Mga Pinagkunan:
Angloinfo.com (n.d) The School Year. Angloinfo.com. Retrieved March 21, 2014 from http://malaysia.angloinfo.com/family/schooling-education/the-school-year/ .
Aurelio, J.M. (2014, March 15).UP announces various school calendars. Philippine Daily Inquirer. Retrieved March 21, 2014 from http://newsinfo.inquirer.net/585858/up-announces-various-school-calendars.
Cerda, J. (2014, March 24). UP Diliman to start classes in August. The Philippine Star. Retrieved March 24, 2014 from http://www.philstar.com/campus/2014/03/24/1304561/diliman-start-classes-august.
Chiu, P.D. (2014, February 24). UP profs: Academic calendar shift won’t internationalize UP. GMA News Online. Retrieved March 21, 2014 from http://www.gmanetwork.com/news/story/349875/news/nation/up-profs-academic-calendar-shift-won-t-internationalize-up.
Dinglasan, R.R. (2014, February 6). No consultation on new UP academic calendar, student leaders claim. GMA News Online. Retrieved March 21, 2014 from http://www.gmanetwork.com/news/story/347321/news/metromanila/no-consultation-on-new-up-academic-calendar-student-leaders-claim
Jordan, J.A. (2014, March 13). Student regent tackles pros, cons of calendar shift. Tinig ng Plaridel. Retrieved March 21, 2014 from http://www.tinigngplaridel.net/news/2014/student-regent-tackles-pros-cons-of-calendar-shift/ .
Lacuatam R.C. (2014, February 12). Why some worry about school calendar shift. ABS-CBNnews.com. Retrieved March 21, 2014 from http://www.abs-cbnnews.com/nation/02/11/14/why-some-worry-about-school-calendar-shift.
Malipot, I.H. (2014, January 8). DepEd cites September school blues: DepEd Warns Against Proposed School Opening, Cites Disadvantages. Manila Bulletin. Retrieved March 21, 2014 from http://www.mb.com.ph/september-blues/ .
University of the Philippines. (2014, February 6).UP adopts new academic calendar for 2014. University of the Philippines. Retrieved March 21, 2014 from http://www.up.edu.ph/up-adopts-new-academic-calendar-for-2014/ .
Comments
Post a Comment