10-B Pork Barrel Scam sa "Tuwid na Daan"?

Nitong Hulyo 2013, nagimbal ang buong Pilipinas ng maisiwalat at nabunyag ang nakakagulantang at nagbabagang pork barrel scam. Ang kontrobersiyang ito ang siyang laman ngayon ng mga balita, nakaimprenta sa mga pahayagan, inere-report sa mga radyo, at higit sa lahat, ang bukambibig ng mga mamamayan. Ikinagulat pa rin ng sambayanan ang paglitaw ng isyu, kahit na alam nilang talamak na talamak talaga ang kurapsyon sa bansa.

Ang nasabing scam ay kinasasangkutan ng mga bigating pangalan sa pulitika. Tumataginting na may kabuuan na sampung (10) bilyong piso ang halaga ng perang nanakaw mula sa kaban ng bayan. Sa pagbubunyag ni Benhur Luy, naimulat sa parang sampal na katotohanan ang publiko sa mga panloloko, pandarambong at kung anu-ano pang kalapastanganang ginagawa ng mga buwayang pulitiko sa bayan. Sa halip na pagsilbihan tayo ng mga taong pinagkatiwalaan at inihalal natin sa pwesto, mas pinili pa nila ang nakawin ang perang pinaghirapan mismo ng bawat Pilipino. Nakaya pa nilang bumangon pagkagising sa umaga, ang huminga at ang ngumiti-ngiti sa kanilang kapwa na dapat sana nilang serbisyuhan ng wasto at sapat – ang kakapal talaga ng mukha..

Bago ang lahat, bigyan muna natin ng konkretong depinisyon o kahulugan ang pork barrel. Ang pork barrel ay isang katawagan lamang ng Priority Development Assitance Fund (PDAF). Ito ay isang derogatoryong salita na tumutukoy sa pagtatalaga ng paggasta ng pamahalaan na pangunahing kinuha sa kabang-yaman ng bansa upang magpasok ng salapi sa distrito ng isang mambabatas para sa mga lokal na proyekto nito.

Sa bansang Pilipinas, unang naipatupad ang sistemang ito noong 1922. Nakasaad ito sa Act 3044 na kung saan ipinapahayag na ang pagpapatayo na ilang gusali at daan ay kailangang aprubado ng senado at kongreso. Noong 1950, binago ang sistema, hindi na dapat tukuyin kung anong proyekto ang paggagastahan, sa halip, nasa mga mambabatas na ang desisyon ng pagpapasya. Sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1965, ginamit niya ang probisyon ng pork barrel sa kapakinabangan ng kanyang mga kaibigan o padrino. Pagsapit ng 1982, isinabatas ang Support for Local Development Projects o SLDP na maglalaan sa bawat Assemblyman ng tig-kalahating milyong piso (P500,000.00). Dahil dito, pwede na ring gamitin hindi lamang sa mga “hard projects”, tulad ng pagtatayo ng gusali, kundi maaari rin sa mga “soft projects” gaya ng pagbili ng fertilizer at mga scholarship programs. Sa panahon naman ni Pangulong Corazon Aquino, ibinalik ang pork barrel sa bawat miyembro ng Kongreso. Tinawag itong Countrywide Development Fund o CDF sa loob ng walong taon. Nitong 1992, pinaglaanan na ang bawat kongresista ng P12.5 milyon at sa senador naman ay P18 milyon. Sa pagkapanalo ni Pangulong Fidel Ramos, hindi na lamang CDF ang klase ng pork  barrel, idinagdag na ang mga proyekto tulad ng School Building Fund noong 1995, na sa taong ito lamang ay gumugol ng halos P5 bilyon, ang Congressional Initiative Allocation (CIA) na sinasabing sa isang taon ay umabot ng P28 bilyon at iba pang mga uri gaya ng Public Works Fund, El Niño Fund at ang Poverty Alleviation Fund. Napalitan naman ng Priority Assistance Development Fund ang CDF sa panahon ni Pangulong Joseph Estrada noong taong 2000.1

Kaya, hindi nakapagtataka kung bakit ito ang sinasabing ugat ng korupsyon sa Pilipinas. Bilang pagpapatunay, lumitaw ang pork barrel scam nitong Hulyo lamang. Sangkot sa pagnanakaw at panlolokong ito ang limang (5) senador at dalawampu’t tatlong (23) kinatawan ng mababang kapulungan. Inilipat nila mismo ang nakalaang pork barrel funds para sa kanilang mga proyekto sa mga peke at gawa-gawang non-government organizations (NGOs). Ipinapalabas nilang napupunta ang pondong ito sa mga proyekto, na kung tutuusin, hindi naman umiiral. Ayon sa Commission on Audit, ang gawaing ito ay maituturing ilegal. Ang mga pinangalang senador ay sina Bong Revilla (1.015 bilyong piso), Juan Ponce Enrile, (641.65 milyong piso), Jinggoy Estrada (585 milyong piso), Bongbong Marcos (100 milyong piso) at Gringo Honasan (15 milyong piso).


Kinabibilangan din ng mga kinatawan sa kamara ang scam tulad nina Rizalina Seachon-Lanete (137 milyong piso), Edgard Valdez, Rodolfo Plaza (81 milyong piso), Samuel Dangwa (62 milyong piso), Erwin Chiongbian at ng iba pang pulitiko. Sinasabing si Janet Lim-Napoles na CEO at presidente ng JLN Corporation ang utak ng pork barrel scam.2

Bilang reaksyon at pagpapakita ng pagkadismaya, nagpakita ng puwersa at pagtutol ang mga “boss” ni President Benigno S. Aquino III noong Agosto 26 sa Luneta. Nagkaisa ang mga mamamayan sa pagmartsa na simbolo ng kanilang pagtutol sa pagpapatuloy ng pagpapatupad ng pork barrel. Ngunit, ang mas nagpakulo pa sa dugo ng kapwa natin Pilipino ay ang pagsasabulsa ng humigit kumulang, sampung bilyong piso na dapat sana ay inilaan sa mga makabuluhang proyekto para sa mamamayan.

Marahil hindi umabot sa inaasahang bilang ng tao ang Million People March sa Luneta, gayunpaman, isang mahalagang hakbang ito na nagpapahiwatig na ang sambayanang Pilipino, iba-iba man ang antas na kinatatayuan sa lipunan, ay hindi pabor sa pork barrel. Kabilang din ang mga  Pilipino sa ibang probinsya at maging ang mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo sa pakikilahok sa kilusan na nagpaabot ng kanilang poot at pagkadismaya. Nakilahok din si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kilos-protesta upang ipaalam sa kapwa na nakikiisa siya sa sigaw ng mga ito. Ang kanilang hiling, ibasura ang pork barrel at parusahan ang mga bumaboy at nagsamantala sa nakakaawang sitwasyon ng Pilipinas.3

Noong Agosto 28, nabalitaan ng lahat na sumuko si Napoles kay Pangulong Aquino ilang oras matapos ipahayag ng Pangulo ang P10 million na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng businesswoman. Si Napoles ay tinutugis dahil  sa charge na serious illegal detention at sa pagkakasangkot niya sa P10-billion pork barrel scam.


Sa ngayon, si Napoles ay nakakulong sa Camp Crame. Mahigpit na mahigpit daw ang seguridad sa nasabing kampo. Nasa kustodiya na ni DILG Sec. Mar Roxas ang umanoy utak ng P10-B pork barrel scam matapos itong personal na sumuko sa Malacañang. May mga kuru-kuro na malakas daw ang koneksyon ng Pangulo kay Napoles. Kaya, hindi nakapagtataka kung bakit nag-uumapaw sa panghihinayang at poot ang mga mamamayan ng sumuko si Napoles kay Pangulong Aquino at inihatid pa mismo ng pinakamataas na opisyal ng ating bansa sa Camp Crame upang asikasuhin at siguraduhin ang kanyang kaligtasan.4


Mga Pinagkunan:

1 Nograles, Prospero C.; Lagman, Edcel C., Understanding the Pork Barrel, House of Representatives of the Philippines, archived from the original on April 17, 2012, retrieved October 4, 2013
2 Pork Barrel Scam. Wikipedia: Ang Malayang Ensiklopedia. Retrieved from  http://tl.wikipedia.org/wiki/Pork_barrel_scam3 Sanchez, K. (2013, August 29). Ituloy ang protesta. Pilipino Star Ngayon. Retrieved from http://www.philstar.com/psn-opinyon/2013/08/29/1146281/ituloy-ang-protesta4 De Castro, J. (2013, September 1). Reaksyon sa pagsuko ni Napoles kay P-Noy. Journal Online. Retrieved from http://www.journal.com.ph/index.php/opinion/57262-reaksyon-sa-pagsuko-ni-napoles-kay-p-noy

Comments

Popular posts from this blog

Paglipat ng Pasukan sa Agosto, Nararapat Ba?

Artificial Insemination

Bayan o Sarili: A Reaction on the Heneral Luna Film